-- Advertisements --

Nanindigan si Health Sec. Francisco Duque III na walang kinalaman ang banta ng Taiwan na pag-alis sa visa-free entry para sa mga Pilipino sa pagbawi sa travel ban sa nasabing lugar dahil pa rin sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa punong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Duque na dalawang punto ang ikinonsidera ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) kaugnay sa naging pasya nito sa paksa.

Paglalahad pa ni Duque, una raw dito ay walang nangyaring local transmission ng COVID-19 sa Taiwan.

Isa pa sa ikinonsidera ng task force ay ang mababang bilang ng mga bumibiyahe mula Taiwan papuntang Pilipinas.

“That has nothing to do with it. So ‘yung amin is purely on public health and public safety, and of course, the need to see whether there is a threat or increased risk,” ani Duque.

Una rito, sa inilabas na pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kaagad ipatutupad ang pag-alis sa travel ban.

“Accordingly, travel may now be made by any national to Taiwan from the Philippines and vice versa,” saad ni Panelo.

Kaugnay nito, nagpasalamat ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa pagtanggal ng travel ban sa Taiwan.

Sa pahayag ni MECO chair Lito Banayo, mabilis daw ang naging aksyon ng gobyerno ng bansa hinggil sa isyu.

“We thank the IATF for their open-mindedness that allowed the reconsideration of the travel ban on Taiwan. MECO and the 160,000 overseas Filipinos here are very thankful for their quick action, and the President for his openness and concern,” pahayag ni Banayo.

“We also thank [Health] Secretary [Francisco] Duque for his appreciation of the strict protocols that we at MECO have undertaken to prevent any possibility of a spread of the COVID 19 contagion,” dagdag nito.

Nitong Pebrero 10 nang ipatupad ang travel ban sa Taiwan dahil sa pangamba ng pagkalat ng COVID-19.