-- Advertisements --

Pagbawi ng DFA sa diplomatic passports ng dating Foreign Affairs chiefs, envoys pinuna ni Del Rosario

Ikinalungkot ni dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario ang desisyon ng Department of Foreign Affairs na kanselahin ang courtesy diplomatic passports na ibinigay sa mga dating Foreign Affairs Department chiefs at envoys.

Iginiit ni Del Rosario na ang dapat na ginawa ng gobyerno ay pinuna ang China sa pambabastos daw sa kanya matapos na harangin sa Hong Kong sa loob ng anim na oras, ‘di pinayagan makapasok, at pina-deport kahit pa may hawak siyang diplomatic passport.

Sinabi ni Del Rosario na ang pambabastos sa kanyang hawak na diplomatic passport ay pambabastos din sa Pilipinas dahil nakalimbag sa naturang dokumento ang seal ng Republika.

Ayon sa dating top diplomat, ito ang unang pagkakataon na hindi siya pinahintulutan na makapasok sa Hong Kong matapos siya at si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales naghain ng reklamo nitong taon lamang ng kaso laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court dahil sa agresibong hakbang ng Beijing sa South China Sea.