-- Advertisements --

Pinuri ni PBA commissioner Willie Marcial ang ginawang public apology ng suspendidong si Calvin Abueva ng Phoenix Pulse na kanyang ipinost sa social media.

Gayunman, iginiit ni Marcial na kailangan pa ring sumunod ni Abueva sa ilan umanong mga hakbang para alisin nito ang ipinataw na indefinite ban.

Ayon kay Marcial, bagama’t nag-uusap sila ng panig ni Abueva, mahaba pa rin daw ang prosesong kailangang daanan nito upang makapaglarong muli sa liga.

Hindi naman nagbigay si Marcial ng deadline sa pagbabalik ni Abueva sa court dahil nakadepende raw ito sa Phoenix veteran.

Bagama’t hindi rin aniya kailangan ng approval ng PBA Board of Governors sa pagbawi ng ban ni Abueva, hihingi rin daw si Marcial ng suhestiyon mula sa lupon sa tamang oras.

Kung si Phoenix coach Louie Alas naman ang tatanungin, nabuhayan daw ito ng pag-asa na masisilayan nang muli sa court si Abueva sa lalong madaling panahon dahil sa paghingi nito ng paumanhin.

Una nang pinahintulutan ni Marcial si Abueva na lumahok sa mga ensayo ng Phoenix, na isang positibong hakbang upang makabalik ito sa PBA.