Nanindigan si PNP Chief Police General Oscar Albayalde na walang kinalaman sa isyu ng “ninja cops” ang pag-pull out ng police security detail ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.
Ayon kay Albayalde, ipinaliwanag na ni Police Regional Office -3 Regional Director, BGen. Joel Napoleon Coronel na ang pagbawi sa 15 police escorts ni Aquino na pawang mga miyembro ng PRO-3 Regional Mobile Group ay dahil kailangan nila ang kanilang mga tauhan sa idaraos na 2019 Southeast Asian Games.
Giit ni Albayalde, hindi niya alam kung nagkaroon ng “special accomodation” ang PRO-3 kay Aquino na naging dating regional director ng rehiyon kaya siya nabigyan ng 15 PNP escorts.
Paliwanag ni Albayalde na nilabag nito ang “Alunan doctrine” na nagpapahintulot lang ng dalawang police escorts mula sa Police Security Protection Group (PSPG) sa mga opisyal ng gubyerno.
Pero giit ni Albayalde dahil sa batid ng PNP na sensitibo ang posisyon ng pinuno ng PDEA, willing naman silang I-accomodate ang request ni Aquino na ibalik sa kanya ang kanyang PNP security personnel.
Pero kailangan din aniyang hingan nila ng komento ang Regional Director ng Central Luzon dahil mga tauhan niya ang ililipat sa PSPG para mai-assign bilang security escort ni Aquino kung saka-sakali.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si Aquino na may kinalaman sa isyu ng “ninja cops” ang pagbawi sa kaniyang mga police escort.