Nakadepende umano sa magiging desisyon ng Office of the Ombudsman kung babawiin na ang ibinigay na police powers sa 46 na umano’y narco-politicians na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang 46 local officials na kasama sa tinaguriang narco-list ay nahaharap ngayon sa kasong administratibo dahil sa pagkakasangkot daw ng mga ito sa illegal drug trade.
Sa ngayon, wala pang hawak na malakas na ebidensiya ang PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sampahan ng kasong kriminal ang mga ito.
Ayon kay PNP spokesperson, S/Supt. Bernard Banac, ngayong nakasampa na ang kaso, ang Ombudsman na ang magpapatawag sa 46 politicians na kabilang sa narco-list.
Sinabi ni Banac, nakaantabay lamang ang PNP sa anumang magiging aksyon ng Ombudsman at kapag may nakita na silang probable cause ay sasampahan na nila ng kasong kriminal ang mga ito.
Sa ngayon patuloy ang pangangalap ng PNP at PDEA ng mga ebidensiya laban sa mga pulitikong sangkot sa iligal na droga.
Dagdag pa ng opisyal na sa mga susunod na araw may dagdag na listahan pa na ilalabas ng Department of Interior and Local Government kaya hindi pa lusot ang mga pulitiko na sangkot sa iligal na droga na hindi binanggit ng pangulo.
Aniya, nabawasan ang pangalan ng mga mga pulitiko na nasa narco-list ito ay dahil sumailalim ito sa matinding validation process.
Dumipensa naman ang PNP sa mga bumabatikos sa timing ng paglabas ng narco list dahil nalalapit na magsimula ang kampanya sa local level.
Ayon kay Banac, desisyon ito ng Pangulo dahil mas pinahahalagahan nito ang karapatan ng mga mamamayan kaysa sa mga pulitiko.