-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kinumpirma ni acting Malay mayor Frolibar Bautista na mag-aambag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng Aklan sa pagbabayad ng halos P95-milyon sa kompaniyang naghahakot ng basura sa isla ng Boracay.

Napag-usapan umano nila ito at pumayag si Environment Sec. Roy Cimatu na sasagutin ang ilang bahagi ng bayarin sa ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corporation.

Magbibigay naman ang lokal na pamahalaan ng Aklan ng 15 porsiyentong share nito mula sa nakolektang environmental fees.

Nahirapan umano ang LGU-Malay sa nasabing bayarin para sa collection, hauling at dumping services simula Enero hanggang Hunyo 2019 dahil sa kakulangan ng pondo.

Lumobo umano ang bayarin dahil pati debris sa isinagawang rehabilitasyon ng isla ay hinakot ng kompaniya.

Nasa 60 hanggang 70 tonelada ng basura ang hinahakot araw-araw sa isla at isinasakay sa barge papuntang sanitary landfill sa Barangay Kabulihan sa mainland Malay.