Binatikos ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) ang pagbebenta ng pamahalaan ng P29 kada kilo na bigas sa mga mahihirap at iba pang miyembro ng marginalized sector.
Ayon kay PCAFI president Danilo Fausto, ito ay mistulang pagbibigay lamang ng pekeng pag-asa sa mga mahihirap.
Ayon kay Fausto, hindi sustainable ang naturang hakbang dahil kinakailangang gumastos dito ang DA ng hanggang P20 kada kilo ng bigas na ibinebenta.
Ito ay katumbas aniya ng P220 million kada araw.
Sa isang panayam, sinabi ni Fausto na na ang naturang hakbang ay posibleng isang political move at posibleng bahagi ng preparasyon para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni PBBM.
Inihalimbawa pa ni Fausto ang mataas na stock ng bigas na kailangang mailabas araw-araw.
Aniya, kakailanganin ng DA ng hanggang 11,000 metriko tonelada ng bigas kada araw upang masuportahan ang naturang programa. Ang paglalabas ng naturang bulto ng bigas aniya, ay posibleng mahirap na imentene sa mahabang panahon.
Kabilang sa mga makikinabang sa naturang programa ay ang mga mahihirap, senior citizen, persons with disabilities, mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries, at mga solo parents.