Posibleng sa buwan ng Hulyo masimulan na ang pagbebenta ng bigas na ang presyo ay wala pang P30 kada kilo.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez magtutulong ang Kamara de Representantes at ang Department of Agriculture (DA) upang matupad ito.
Sinabi ni Speaker na kumpiyansa sila na posible na maaring maibenta ang bigas na mababa sa P30 per kilo.
Kasalukuyang tinutukoy na ng Department of Agriculture ang mga lugar na posibleng mga lugar na maaaring maibenta ang affordable, well-milled rice sa publiko.
Aminado si Speaker na hindi sa buong bansa maipatupad ang pagbebenta ng mababang presyo ng bigas.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang anunsyo matapos ang pakikipagpulong nito kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, at mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA), at ilan pang ahensya sa ilalim ng DA.
Nakipagpulong ang grupo ni Laurel kay Speaker Romualdez matapos itong dumalo sa pagdinig ng Committee on Agriculture and Food kaugnay ng panukalang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.
Ipinaliwanag ni Secretary Tiu Laurel na sa kabila ng limitasyong iginawad ng batas, maaari pa ring magbenta ng National Food Authority (NFA) sa abot-kayang presyo sa mga KADIWA center na itinayo sa iba’t ibang munisipyo at lungsod.
Sinabi ni Speaker Romualdez na hihimukin ng mga miyembro ng Kamara ang mga lokal na pamahalaan na magtayo ng mga KADIWA store upang makabili ng murang bigas ang kanilang mga residente.
Ayon kay Speaker Romualdez bibilisan din ng Kamara ang pagpasa ng panukalang amyenda sa RTL law at aaprubahan ito sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die congressional break.