Ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang PNP Anti-Cybercrime group (ACG) na mahigpit na i-monitor ang umano’y pagbebenta ng mga loose firearms sa online.
Ito’y matapos matuklasan sa inisyal na imbestigasyon na ang mga nakumpiskang piyesa ng armas sa isang warehouse sa Bulacan kamakailan, ay ina-assemble at binebenta sa online platforms sa mga private Armed groups.
“Dahil dito, inatasan ko na ang ating Intelligence Group at ang Anti-Cybercrime group na lalong palakasin ang information-gathering at monitoring sa modus na ito,” pahayag ni Gen. Eleazar.
Ayon kay Eleazar, ang mga piyesa ay mula sa mga lumang armas ng Pulis at militar na hindi na-dispatsa ng maayos.
Karamihan sa mga ito ay piyesa ng caliber .50 at M16 rifles.
Nakikipagtulungan narin ang militar sa PNP para tukuyin ang pinanggalingan ng mga piyesa.
Una nang ipinagutos ni Eleazar na paigtingin ang kampanya laban sa loose firearms upang hindi magamit ang mga ito sa paghahasik ng karahasan sa darating na halalan.
“In our aggressive campaign against loose firearms as part of the early security preparations for the 2022 elections, we are not discounting the possibility that some gun-running syndicates are using the online platforms for their illegal activities,” dagdag pa ni Gen. Eleazar.