Hindi na itinuloy ng Italy ang pagbenta ng libu-libong mga missile sa Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Paliwanag ni Foreign Minister Luigi Di Maio, ito raw ay dahil sa commitment ng Rome na ipanumbalik ang kapayapaan sa Yemen at pangangalaga na rin sa karapatang pantao.
“This is an act that we considered necessary, a clear message of peace coming from our country. For us, the respect of human rights is an unbreakable commitment,” saad ni Di Maio sa isang pahayag.
Ayon naman sa Italian Network for Peace and Disarmament, ang nasabing pasya ng Roma ay magpapaudlot sa pagbenta ng nasa 12,700 missiles sa Saudi Arabia.
Ito rin ay bahagi ng total allotment na 20,000 missiles na nagkakahalaga ng 400 million euros ($485 million) na napagkasunduan noong 2016 sa ilalim ng center-left government na pinamunuan ni Matteo Renzi.
Ang Saudi Arabia at UAE ay bahagi ng Arab coalition na kumakalaban sa Houthis sa Yemen mula noong 2015, na sinasabing proxy war sa pagitan ng Riyadh at Tehran.
Una nang inilarawan ng United Nations ang Yemen bilang pinakamalaking humanitarian crisis ng buong mundo kung saan 80% ng mamamayan ng bansa ang nangangailangan ng tulong. (Reuters)