-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Sen. Bong Go na dapat gawing prayoridad ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang ang mga polisiya at programang magbibigay ng economic opportunities sa mga lalawigan para matulungan ang mga Pilipino sa pag-rekober mula sa kasalukuyang national health emergency sanhi ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Sen. Go, ang pagsusulong sa mga opportunidad ng trabaho at pangkabuhayan o livelihood sa mga kanayunan ay magtutulak sa regional development na naaayon sa long-term goals ng “Balik Probinsya, Bagong Pag-asa” (BP2) Program na nakatakdang ganap na maipatutupad pagkatapos ng COVID-19 crisis.

Ayon kay Sen. Go, layunin ng programang ito na mabigyan ng bagong pag-asa ang mga Pilipino na may hinaharap silang maayos na kinabukasan pagkatapos ng krisis at tutulungan sila kung sakaling gusto nilang bumalik sa kanilang mga probinsya.

Ang BP2 Program Council ay kasalukuyang nagsasagawa ng mga mahahalagang ground preparations gaya ng mahigpit na koordinasyon sa mga tatanggap na local government units (LGUs) para mabigyan sila ng mas maraming panahon sa paghahanda sa pagdating ng mga BP2 beneficiaries.

“Marami nang gustong umuwi pero walang pilitan po ito. Lalo na pagkatapos ng krisis na ito kung saan karamihan ay nawalan na nga ng trabaho, huwag sana ipagkait pa sa kanila ang pag-uwi sa sariling probinsya. Ibigay dapat ang tulong na kanilang kinakailangan upang makabangon muli,” ani Sen. Go.