Bukas ang Commission on Elections (Comelec) sa ideya na pabilisin ang pagbibigay ng exemption sa campaign period spending ban para sa mga local government units na sinalanta ng tropical depression Agaton.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, makakatulong para rito kung sa lalong madaling panahon ay makapagsumite sa poll body ng kanilang apela ang mga apektadong LGUs.
Isa sa mga puwedeng gawin aniya ng Comelec para mapabilis ang proseso ay huwag nang magdaos ng hearing sa kaso at ibase na lamang ito sa mga available na ebidensya.
Hindi rin aniya maitatanggi ang epekto ng pananalasa ng Bagyong Agaton sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Garcia na magdadagdag sila ng mas marami pang polling precincts para sa mga overseas absentee voting sa Hong Kong sa harap ng mga reklamo ng mahabang pila doon.
Paglilinaw ni Garcia na binigyan din naman nila ng discretion ang post ng Comelec sa Hong Kong na magdagdag pa ng mas marami pang polling precincts pero nagdesisyon ito na tanging lima lamang ang ihanda.
Sinabi ng opisyal na maaring dagdagan ng poll body ang bilang ng presinto sa lugar ng hanggang walo o 10.