BACOLOD CITY — Isinusulong ng gobernador ng Negros Oriental ang pagbibigay ng financial assistance sa mga indibidwal na inoobserbahan mataposnatukoy na nagkaroon ng close contact sa dalawang Chinese nationals na unang nakumpirma na positibo sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (NCOV-ARD).
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Bimbo Miraflor, public information officer ng Negros Oriental, 30 katao ang kanilang na-trace na may close contact sa 38-anyos na babaeng Chinese at 44-anyos na lalaki na namatay nitong Sabado.
Sa 30 bilang, 25 ang itinuturing na persons under monitoring (PUMs) at lima naman ang persons under investigation (PUIs).
Ayon kay Miraflor, sa isinagawang executive meeting kahapon, isinulong ni Governor Ruel Degamo na magbibigay ng tig-P5,000 sa 30 indibidwal.
Sa kabila nito, tiniyak ni Miraflor na “generally safe” pa rin ang Dumaguete City kahit may mga narekord na PUI dahil may mga preemptive measures ang gobyerno kabilang na ang mga paaralan.
Isa na rito ay ang Silliman University na may dalawang linggong “health break” mula sa araw ng Miyerkules.
Wala aniyang klase sa unibersidad ngunit gagawa ng alternative learning scheme sa mga estudyante kung saan kagaya na lamang na nagho-home schooling ang mga ito sa loob ng dalawang linggo.
Sa report ni Bombo Correspondent Miles Therese Granada na estudyante sa Silliman University, mula pre-school hanggang senior high school lang ang mayroong “health break”.