Pansamantala munang ititigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng mga guarantee letter (GL) simula December 13.
Ito ay upang makapag-pokus ang ahensiya sa pag-asikaso sa mga kinakailangang dokumento para mabayaran ang mga service providers na nagsisilbing partner ng ahensiya.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, hindi na muna makapagbibigay ng GL sa mga residenteng may medical at funeral expenses na nagkakahalaga ng P10,000 pataas.
Paliwanag ng opisyal na hindi ito nangangahulugan na wala nang pondo ang ahensiya bagkus ay kailangan lamang pagtuunan ang iba pa nitong mga responsibilidad.
Maliban sa GL, sinabi ni Dumlao na magpapatuloy pa rin ang iba nitong mga programa na pagtulong sa mga nangangailangan tulad ng pagkakaloob ng cash sa ilalim ng Assistance to Individual Crisis Situation (AICS).
Tiniyak din ng opisyal na kapag naayos na ang lahat ng obligasyon ng DSWD sa mga service provider ay magbibigay na uli ang ahensiya ng mag-guarantee letter sa mga nangangailangan.