Ipinahayag ng Department of Budget and Management (DBM) ang layong pagbibigay ng gobyerno ng medical allowance para sa mga empleyado ng gobyerno na magsisimula ngayong taong 2025.
Batay ito sa inaprubahan ng DBM na Budget Circular No. 2024-6, na naglalayong sundin ang mga alituntunin at regulasyon sa pamamahagi ng medical allowance, na magsisimulang ipatupad sa mga kwalipikadong kawani ng gobyerno mula sa Fiscal Year 2025.
Ipagkakaloob ito sa mga ahensya ng gobyerno, kagaya ng mga state universities at colleges, mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng mga espesyal na batas (Republic Act No. 10149 at EO No. 150, s. 2021). Saklaw din nito ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga lokal na water districts, anuman ang kanilang katayuan sa trabaho—regular, casual, o contractual; full-time man o part-time.
Ang inisyatibang ito ay inaprubahan sa ilalim ng Executive Order No. 64 na may lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan makakatanggap ang mga kawani ng gobyerno ng P7,000 medical allowance taon-taon upang matulungan ang mga empleyado sa gobyerno na makakuha ng mga benepisyo mula sa Health Maintenance Organization (HMO).
Ayon pa sa DBM ang medical allowance ay maaaring ibigay sa anyo ng HMO-type product coverage o kaya naman ay sa anyo ng cash para sa mga empleyado ng gobyerno na kailangang magbayad o mag-renew ng kanilang mga HMO benefits katulad ng mga kasong hirap kumuha ng HMO coverage, tulad sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) o mga lugar na walang sapat na HMO office, maaaring mabayaran ang mga gastusing medikal tulad ng pagpapagamot sa ospital, diagnostic tests, at pagbibili ng gamot.
Samantala, maaalalang nasa P10 billon ang inilaan ng DBM sa HMO benefits para mga kawani ng gobyerno, batay narin sa utos ni PBBM na magbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga kawani ng gobyerno sa 2025.