Sa unang pagkakataon ay nagsalita na ang pamahalaan ng Indonesia ukol sa tuluyang paglilipat kay Mary Jane Veloso dito sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Indonesian Chief Minister for Law and Human Rights Yusril Ihza Mahendra na ang desisyon upang mailipat si Veloso dito sa Pilipinas ay kasunod na rin ng naunang kahilingan ng administrasyong Marcos.
Ayon kay Mahendra, gumawa ang Indonesia ng bagong polisiya na hindi pa nito dating nagagawa. Ito ay ang hindi pagpayag na makalaya o magawaran ng pardon ang mga dayuhang hinatulan na ng mga korte ng Indonesia. Sa halip ay pinapayagan na aniya ng Indonesian government na mailipat ang mga convicted foreigner.
Inihalimbawa ni Mahendra ang kaso ni Veloso kung saan kapag ililipat na siya sa Pilipinas, kailangang isilbi ni Veloso ang life sentence kapalit ng death sentence na hatol sa kaniya sa Indonesia.
Gayonpaman, nirerespeto aniya ng Indonesian government ang kapangyarihan ng Philippine government na ipatupad ang mga batas nito.
Kung maibabalik na sa Pilipinas si Veloso, irerespeto rin aniya ng Indonesia ang awtoridad ni Pangulong Ferdinand ”Bong-bong” Marcos Jr. at kung magbibigay man siya ng pardon sa Pinay drug convict, nasa kaniyang pagdedesisyon na ito.
Ayon pa kay Mahendra, ang Pilpinas at iba pang bansa na nagnanais na magkaroon ng ‘transfer of prisoner’ ay kailangan lamang respetuhin at kilalanin ang verdict ng mga Indonesian court.
Kasabay nito ay iginiit din niyang dapat kilalanin ng mga naturang bansa na may karapatan ang Indonesia na usigin at hatulan ang mga foreign citizen kung nakagawa ang mga ito ng anumang krimen sa Indonesia.
Kaakibat nito ay hindi dapat kwestyunin ng ibang bansa ang mga iginagawad ng Indonesian court na verdict tulad ng pagkakakulong, habangbuhay na pagkakabilanggo, o death penalty.