Inihayag ng Land Transportation Office na ang mga ipinangakong plastic card para sa mga driver’s license ay nahaharap sa pagkaantala o delays.
Sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Chief Atty. Vigor Mendoza II , ito ay dahil kailangan pang malampasan ng LTO ang mga technical issues na humahadlang bago maging available sa publiko.
Nauna nang sinabi ng LTO na ang Philippine Society of Medicine for Drivers ay nag-donate ng apat na milyong plastic card para mag-print ng mga lisensya, na inaasahang maihahatid ngayong buwan.
Ngunit ipinaliwanag ni Mendoza na ang mga donasyong plastic card ay kailangan pa ring sumailalim sa verification process ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ng LTO Chief na ang mga donasyong card ay nangangailangan ng inspeksyon ng Office of the Solicitor General (OSG), ng House Committee on Transportation, at ng Department of Science and Technology (DOST).
Bukod dito, ang mga card ay kailangan ding dumaan sa Kongreso, sa pamamagitan ng Committee on Transportation nito, upang ang mga alalahanin ng lahat ng sektor ay matugunan.
Tiniyak ni Mendoza sa publiko na magrerekomenda sila ng “agency to agency” procurement para sa driver’s license cards sa pamamagitan ng government printing offices para mapabilis ang proseso.
Ngunit nagbabala rin siya na kahit na ang apat na milyong donated card ay magagamit para sa sirkulasyon, ang LTO ay kapos pa rin sa mga plastic card dahil mangangailangan ito ng humigit-kumulang 10 hanggang 12 milyong card para sa taong kasalukuyan.