Ikinokonsidera ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) ang pagkakaroon ng subsidiya sa pamasahe sa mga augmentation bus na babaybay sa mga ruta ng PNR sa Metro Manila na itinigil ang operasyon simula noong Marso 28 at magtatagal ng 5 taon para bigyang daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway project.
Ito ang inihayag ni Philippine National Railways (PNR) chair Michael Macapagal sa gitna ng pangamba ng mga mananakay na mas magiging mahal ang pamasahe kung saan ang ilan ay iniulat na doble pa sa pasahe sa tren.
Paliwanag pa ni Macapagal na bagamat may ibinibigay na subsidiya ang pamahalaan sa pamasahe sa tren ng PNR, hindi aniya ito maiaapply sa mga bus sa ilalim ng augmentation program dahil mga private bus ang mga ito na binigyan lamang ng LTFRB ng emergency franchises.
Liban pa dito, ang mga subsidiya aniya ay kailangan pa ng approval ng Kongreso.
Sa kabila naman ng kawalan ng fare subsidy, tiniyak ng PNR chair sa mga commuter na nakipag-usap na ito sa LTFRB at pinaalalahanan ang ahensiya na striktong ipatupad ang bus fare matrix.
Inihayag din ni Macapagal na kanilang aantayin kung ano ang magiging desisyon ni DOTr Sec. Jaime Bautista kaugnay sa fare subsidy sa mga bus saka ito iaanunsiyo.
Base sa PNR chief, ang opisyal na bus fare sa ilalim ng programa ay P15 sa unang 5 kilometro habang karagdagang P2.65 naman sa bawat susunod na kilometer.
Ang nasabing mga bus ay babagtas mula Tutuban patungong Alabang at titigil sa 12 lugar.
Sa ngayon, nagdeploy na ang PNR ng 25 bus subalit posibleng dagdagan pa ng PUVs kabilang ang UV express units para ma-accommodate ang mas maraming mga pasahero.