Sinuspindi na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng travel authority sa mga tinaguriang Locally Stranded Individuals (LSI) na papauwi sa Region 8 o Eastern Visayas sa loob ng dalawang linggo.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año.
Ayon naman kay Joint Task Force Covid shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ipinaliwanag kasi ni Sec. Año na puno pa ang isolation facilities ng local government units dahil sa dami ng mga umuuwi sa Eastern Visayas region.
Nis daw muna nilang matiyak na may sapat na lugar sa mga quarantine facility bago tumanggap ng bagong batch ng LSI.
Inatasan din ang mga chief of police, mga station commanders at Director for Operations na ipaliwanag sa mga mag-a-apply ng travel authority patungong Region 8 ang dahilan ng two week suspension.
Bahagi ng local protocols na ipinatutupad ng LGU ay ang mandatory quarantine sa mga LSI bago sila payagang makabalik sa kani-kanilang pamilya upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga komunidad.