Inihayag ni Surigao Del Norte Representative Ace Barbers na karapatan ni Vice President Sara Duterte na magpahayag ng kaniyang saloobin o opinyon.
Reaksiyon ito ni Barber sa ‘designated survivor’ comment ng pangalawang pangulo.
Ayon kay Barbers, karapatan ng bawat Pilipino na ipahayag ang anumang saloobin, nasa pwesto man ito o hindi. Sinyales aniya ito ng paggamit ng karapatan at kalayaang makapagsalita.
Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na bagamat hindi dapat pag-ukulan ng mahabang oras ang naturang komento, kailangan pa rin aniyang bigyang pansin ang naturang komento, lalo na sa aktwal nitong kahulugan.
Hulyo-11 nang unang aminin ni VP Sara na hindi siya dadalo sa nalalapit na SONA ni PBBM.
Kasabay nito ay sinabi rin niyang itinatalaga niya ang kanyang sarili bilang designated survivor – bagay na umani naman ng batikos mula sa mga matataas na opisyal ng bansa.
Bagamat itinuring din ito ng ilan bilang ‘joke’ o biro, nilinaw din kinalaunan ng pangalawang pangulo na hindi biro ang kanyang binitawang salita.