Hindi pa nagbibigay ng malinaw na rason ang health ministry ng Brazil tungkol sa pagtigil nito na ireport ang kabuuang bilang ng coronavirs case at deaths sa naturang bansa.
Hinala ngayon ng mga eksperto na isa itong hakbang ng Brazilian government upang itago ang katotohanan kung gaano na kadelikado ang pandemic.
Naging kapansin-pansin kasi noong Sabado na tumigil na ang official website ng health ministry sa pagpapakita ng bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 at tanging recoveries na lang ang ina-update.
Una nang sinabi ni Brazilian President Jair Bolsonaro na “exaggerated” lamang ang mga state governors sa inilalabas nilang tally para makakuha ng mas malaking budget mula sa gobyerno.
Kaliwa’t kanang kritisismo ang ibinato kay Bolsonaro dahil sa kakulangan umano nito ng aksyon para labanan ang outbreak. Nagawa rin nitong magbanta na kakalas sa World Health Organization.
Sa ngayon ay pumapangalawa pa rin ang Brazil sa mga bansang may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 kasunod ng Estados Unidos.