Tiniyak ng bagong talagang acting Flag Officer in Command ng Philippine Navy na si Rear Admiral Robert Empedrad na “on schedule” maide-deliver ang dalawang bagong barkong pandigma na bibilhin ng Philippine Navy mula sa South Korea.
Ito’y sa kabila ng pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenza na apat na buwan nang delayed ang frigate project.
Sa panayam kay Empedrad sa Kampo Aguinaldo, kaniyang sinabi na hindi nagbago ang delivery date ng dalawang bagong bili na frigates o warship na sa 1st quarter ng 2020 naka-schedule mai-turnover sa Pilipinas partikular sa Philippine Navy.
Samantala, sa kabila ng isyu kasunod ng pagkakasibak sa puwesto ni Vice Admiral Ronald Joseph Mercado, sinabi ni Empedrad na mas mahalagang pagtuunan ng pansin ay ang preparasyon ng Navy para sa delivery ng dalawang barko.
Aniya, kailangang isailalim sa training ang bagong crew ng mga barko, at maging ang port na pagdadaungan ng mga ito, gayundin ang mga armas na ikakarga ay kailangang paghandaan.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Empedrad na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay matagumpay na maisusulong ng Navy ang P15.5 bilyong proyekto na isa sa “big ticket” items sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines Modernization Program.