CENTRAL MINDANAO- Isa sa prayoridad ng Provincial Government ngayon ang pagkakaroon ng anti-venom sa Cotabato Provincial Hospital.
Mariing sinabi ni Gob. Nancy Catamco kay Dr. Eva Rabaya sa pagpupulong ng Provincial Health Board na kaagad na bumili ng anti-venom.
Nabahala ang Gobernador sa pagdami ng mga natutuklaw ng makamandag na ahas na tinatawag na ‘Banakon’ o ‘King cobra’ sa North Cotabato.
Matatandaan na nasawi sa tuklaw ng King Cobra ang isang 16 anyos na dalagita sa Brgy Noa Magpet Cotabato at iba pa.
Naglaan ang Probinsya ng P200,000 pambili ng 80 Polyvalent antivenom vials para may tamang supply nito sa CPH.
Kabilang sa napag-usapan sa pinakaunang pagpupulong ng PHB ay ang pagbili ng 100 antirabies vials na nilaanan ng P238,000, at ang pagtatayo ng Banisilan District Hospital.
Kasama sa pagpupulong si BM Dr. Philberth Malaluan, Mercita J. Salamida BCHS, RN, MAN DOH XII, Adele Bustamante IPHO.