Mapapalakas ang kakayanan ng Pilipinas na madepensahan ang teritoryo ng bansa, sa planong pagbili ng gobyerno ng 20 unit ng F-16 fighter jets.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang ginagawa na modernization ay patungo sa pagpapalakas sa depensa ng bansa dahil kailangan may kakayahan na ipaglaban o ipagtanggol ang sarili nating bansa.
Ayon kay Ortega, maaaring hindi pa sapat sa ngayon ang pondo para sa ganap na modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ngunit unti-unti itong isinasakatuparan.
Sinabi pa ni Ortega na ang mungkahing pagbili ng F-16 fighter jets mula sa Estados Unidos ay isang positibong hakbang.
Binigyang-diin niyang ang layunin nito ay purong pang-depensa at hindi para sa anumang opensibong aktibidad.
Nagbigay si Ortega ng paghahambing sa pagitan ng pangangailangan ng isang bansa na palakasin ang depensa at ng isang maybahay na kailangang protektahan ang kanyang tahanan.