Todo babala ang Department of Health sa publiko na huwag bibili ng mga hindi rehistradong mga produkto ng mga lambanog, maging sa peligrong maidudulot ng sobrang pag-inom ng alak.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, dapat na iwasan na rin daw ang alcohol o alak dahil wala naman umano itong maidudulot na kabutihan dahil wala raw itong safe level.
Sinabi pa ni Duque, makaapekto pa ito sa atay, utak, puso, at multi-organ affectation kaya naman kailangang mag-ingat.
Pinakamaganda aniya ay mag-ehersisyo dahil hindi lamang daw maganda sa katawan ang pag-eehersisyo kundi nakakapagpagaling din ng altapresyon, mataas na cholesterol at may pakinabang din sa mental health.
Hinimok din ng kalihim ang mga kababayan na mag-exercise nang tatlong beses sa isang linggo tulad ng paglalakad, jogging, at kombinasyon ng brisk walking ng 30 minuto na may mask.
Kung maaalala, walo ang namatay habang 200 naman ang isinugod sa ospital ilang araw bago ang pagdiriwang ng Kapaskuhan noong 2019 sa Rizal, Laguna dahil sa lambanog na kanilang nabili.