VIGAN CITY – Mahigpit na ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) sa National Food Authority (NFA) ang pagbili nila sa mga produkto ng mga magsasaka sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyo Ineng at posibeng maapektuhan ng Bagyo Jenny na kasalukuyang nasa Philippine Area of Responsibility.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar.
Sa naging panayam kay Dar, sinabi nito na pati na ang mga basa o ang mga hindi naibilad na mga naaning palay ay dapat na bilhin ng NFA dahil sa pag-ulang nararanasan sa bansa, lalo na sa bahagi ng Luzon.
Aniya, isa rin ito sa mga hakbang ng ahensya upang matulungan ang mga magsasakang napinsala ng Bagyo Ineng at posibleng mapinsala ng Bagyo Jenny lalo pa’t karamihan sa mga magsasaka ngayon sa bansa ay nasa harvesting stage na ng kani-kanilang mga pananim na palay.
Una nang sinabi ng opisyal na nakahanda ang ahensya sa mga tulong na maaaring ibigay nila sa mga magsasakang masasalanta ng mga kalamidad na darating sa bansa at hangga’t maaari ay dadagdagan pa ang mga ito upang makamit ng DA ang hangarin nito na maging food secured ang bansa kasabay ng pag-unlad ng kabuhayan at kita ng mga magsasaka.