Malaking tulong at major boost sa defense capabilities ng Armed Forces of the Philippines ang planong pagbili ng Pilipinas sa Amerika ng 20 most advanced fourth generation fighter jet sa mundo.
Ito ang binigyang-diin ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, matapos kumpirmahin ng US Defense Cooperation Agency ang pag-apruba ng US na magbenta ng F-16 fighter jets sa Pilipinas na kasalukuyang nasa proseso na ng negosasyon.
Kinumpirma din ni Malaya na ang nasabing hakbang ay bahagi ng commitment ng Trump administration kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Muling pinagtibay ng Amerika ang ironclad commitment nito sa defense treaty ng dalawang bansa.
Sa naging joint statement ni US Secretary of Defense Pete Hegseth at Sec. Gilberto Teodoro binigyang-diin nito ang deployment ng dagdag na advance military capabilities sa Pilipinas na gagamitin sa joint training sa pagitan ng mga sundalong Pinoy at Amerika na lalong magpapalakas sa interoperability at defense industrial cooperation ng dalawang bansa.
Binigyang-diin din ni Malaya na lalong lalakas ang arsenal ng AFP lalo at madadagdagan ang kasalukuyang 12 FA -50 fighter jets na naunang binili sa South Korea.
Sa kabilang dako, inihayag ng Department of National Defense na hanggang sa ngayon wala pa silang natatangap na notice kaugnay sa nasabing pahayag ng US.
Batay sa ulat ng US State Department nagkakahalaga ng $5.6 billion ang 20 F-16 fighter jets.
Samantala, inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na malaking bagay sa depensa ng Pilipinas ang pagbili ng mga moderning fighter aircraft.
Nilinaw din ni Bersamin na ang bibilhing fighter jet ng Pilipinas ay walang pinupuntiryang bansa kundi ito ay pagpapalakas sa defensive force ng Pilipinas.