-- Advertisements --

Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na makabubuti at “advantageous” sa Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na sa AFP Modernization Program ang planong pagbili nito ng submarine.

Sa official statement na inilabas ng Department of National Defense (DND), sinabi ni Lorenzana na hindi pa “final” ang nasabing procurement dahil hanggang sa ngayong pinag-aaralan pa ito ng isang team mula sa Philippine Navy.

Binigyang-diin ng kalihim na bibili ang pamahalaan ng submarine sa alinmang bansa basta sumusunod ito sa tamang proseso na nakapaloob sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Reaksiyon ito ng kalihim matapos nagpahayag ng pangamba ang Estados Unidos sa plano ng gobyerno na sa bansang Russia bibilhin ang submarine.

Siniguro naman ni Lorenzana na lahat ng posibleng offers sa kanila mula sa mga kaalyandong bansa ay kanilang ikokonsidera.

“The DND will honor all our alliances and international partnerships through the conduct of international defense and security engagements,”pahayag ni Lorenzana.