Nakahanda ang Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang pagbili umano ng degree ng Chinese students sa lalawigan ng Cagayan.
Sa isang statement, sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na ito ay isang seryosong alegasyon na tumatanggap ang mga unibersidad ng banyagang mga estudyante at ginagatasan ang mga ito.
Una na ngang kinumpirma mismo ng CHED noong Huwebes ang pagtaas ng bilang ng mga Chinese student enrollees sa isang pribadong unibersidad sa Cagayan.
Sa kabila nito, sinabi ni De Vera na hindi sila magaatubiling maglunsad ng imbestigasyon at sisiguraduhing ipapatupad ang due process para sa lahat ng sangkot na partido.
Samantala, pinasalamatan ng CHED si Senador Francis “Chiz” Escudero at iba pang mga mambabatas sa paghahayag ng mga alalahaning ito na kinasasangkutan ng ilang Chinese students sa Cagayan na umano’y nagbabayad ng malaking halaga ng pera upang makakuha ng academic degree nang hindi nakukumpleto ang mga kinakailangang academic requirements.
Kaugnay nito, muling pinagtibay ng CHED ang pangako nitong tiyakin na ang mga academic institutions sa ilalim ng pamamahala nito ay sumusunod sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas at alinsunod sa mga interes ng bansa.