-- Advertisements --

Kinansela ang pagbiyahe ng pamilya ng Pinay na nasa death row sa Indonesia na si Mary Jane Veloso nitong araw ng Linggo, Disyembre 15.

Ayon sa ina ng Pinay na si Celia Veloso, natanggap nila ang cancellation advice nitong umaga ng Linggo mula sa opisina ng Undersecreatry for Migration Affairs of the Department of Foreign Affairs na siyang nag-isponsor ng naturang flight.

Nakatakda sanang bisitahin ng pamilya Veloso si Mary Jane mula kahapon sana, Disyembre 15 hanggang sa Miyerkules, Disyembre 18. Kasalukuyang nakapiit ang Pinay sa Yogyakarta city, Indonesia sa loob na ng halos 15 taon.

Hindi naman nabanggit ang dahilan ng kanselasyon ng biyahe ng pamilya Veloso.

Samantala, lubos naman ang kanilang kasiyahan ngayong nasimulan na ang proseso ng tuluyang pagbabalik bansa ni Mary Jane Veloso na dinala na sa kabisera ng Jakarta.

Nitong Linggo, nang ipag-utos ng Indonesian authorities ang pagdadala kay Veloso sa Jakarta kung saan ilalakad ang pagproseso ng paglipat ng kaniyng kustodiya sa Pilipinas.

Ayon naman kay DFA USec. Eduardo de Vega, mananatili si Veloso sa Jakarta hanggang sa kaniyang paglipat na wala pang tiyak na petsa sa ngayon subalit inaasahang maisasagawa ito sa lalong madaling panahon.