CAUAYAN CITY – Ikinagalak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos sa Malaysia.
Sinabi ni Bombo International News Correspondent Erjhay Arsenal na nagpapasalamat sila dahil nakabisita ang pangulo sa Malaysia.
Masaya silang mga OFWs dahil pagkatapos ng mahigit isang taon mula ng mailuklok bilang pangulo si Pangulong Marcos ay nakita na rin nila ito.
Isa aniyang pribelihyo na makamayan nila ang pangulo.
Aniya, Marcos supporter na talaga siya kaya pinaghandaan nila ng mabuti ang pagbisita ng pangulo sa Malaysia.
Isang linggo silang naghanda at nakipag-ugnayan sila sa Department of Migrant Workers (DMW) sa Malaysia gayundin sa lahat ng Filipino Community leaders sa naturang bansa.
Mahigit 500 silang OFWs na nasa venue dahil kinailangan ding ikunsidera na mayroon pa ring COVID-19.
Naging mahigpit naman ang seguridad para matiyak ang kaligtasan ng pangulo.
Sa naging mensahe aniya ng pangulo ay tumatak sa kanila ang sinabi nitong sa bawat pinupuntahan niyang lugar ay sinasabi ng mga nakakausap niyang world leaders na hinahanggan nila ang mga OFWs dahil sa kanilang katangian na maasahan at pagiging masipag.
Kabilang naman sa kanilang kahilingan na maiparating ng pangulo sa pinuno ng Malaysia ay magkaroon ng dagdag sa kanilang sahod, mabigyan ng aksyon ang pang-aapi sa ilang OFWs ng kanilang mga amo gayundin ang matingnan ang kaso at kalagayan ng mga OFWs na nakakulong sa naturang bansa.
Hiling din nila na magkaroon ng karagdagang benepisyo ang mga OFWs kapag uuwi na sila sa Pilipinas at hindi na babalik sa ibang bansa para magtrabaho.