Kumpiyansa si Speaker Martin Romualdez na pakikinabangan ng mga Pilipino ang magandang relasyon na nabuo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang opisyal na pagbisita sa Malaysia.
Si Speaker Romualdez ay bahagi ng delegasyon nina Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos na binigyan ng State Welcome Ceremony sa Istana Negara (Malaysia’s National Palace).
Ang delegasyon ni Pangulong Marcos ay mainit na tinanggap nina King Al-Sultan Abdullah at Queen Azizah, kasama sina Prime Minister Anwar Ibrahim at misis nitong si Dr. Wan Azizah Wan Ismail.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ayon kay Pangulong Marcos ang kanyang pagbisita ay naglalayon na palakasin ang tulungan ng Pilipinas at Malaysia sa larangan ng agrikultura at pagpapatatag ng suplay ng pagkain, digital economy, turismo, people-to-people exchanges, at iba pang bagay kung saan mayroong kapwa interes ang dalawang bansa.
Kasama umano sa mga panukala na tutukan ng Kamara ang House Bill No. 07118 na mag-aamyenda sa Republic Act No. 9997, o ang National Commission on Muslim Filipinos Act of 2009 upang mapatatag ang lokal na Halal industry ng Pilipinas.
Ang napagkasunduan upang pagpupulong ng Philippine-Malaysia Joint Commission ay magbibigay daan upang pag-usapan ang mga larangan kung saan maaaring pumasok sa kasunduan ang dalawang bansa.