NAGA CITY – Mistulang naging reunion ng pamilya de Lima ang pag-uwi ni Sen. Leila sa kanilang tahanan sa Barangay San Agustin, Iriga City sa Camarines Sur.
Sa pagharap sa media ni Vicente De Lima II, kapatid ng senadora, sinabi nito na “glorious day” para sa kanila ang pagkakataon na makasama ang opisyal.
Sa mahigit 900 araw kasi ng pagkakabilanggo ay muling nakauwi sa lungsod ang kanilang kapatid para lamang makasama ang kanilang inang may sakit.
Unang pagkakataon aniya nagkasama-sama silang apat na magkakapatid.
Kaugnay nito, hindi aniya napigilan ng kanilang mga kaanak na maiyak habang niyayakap ang senadora.
Ngunit pinigilan umano ng opisyal ang ang kaniyang mga kapatid sa emosyunal na tagpo dahil mas gusto nitong maging masaya ang araw na ito.
Pagdating sa kuwarto ng kanilang ina, agad daw tinanong ng senadora ang kanyang ina kung sino siya na agad naman sinagot ang pangalan ni Leila.
“Nung nagkita nga po sila, tinanong ni Leila yung nanay ko, kumbaga sa lenggwahe namin sa Bicol, tinanong ni Leila yung nanay namin, “Sisay ako?” Ang ibig sabihin po noon ay, “Sino po ako?” Noong una hindi marinig ng nanay ko, medyo mahina na pandinig si nilakasan ng boses ng kapatid ko yung tanong, “Sisay ako?” At sumagot po yung nanay ko, “Ah, ikaw si Leila, ang anak ko.” So masayang-masaya po. They hugged each other and we’re very thankful for this blessing that happened for us, na nagkita po kaming pamilya. Buo po yung pamilya namin,” wika ni Vic sa panayam ng Bombo Radyo.
Sa ngayon nananatili lamang sa kuwarto ng kanyang ina ang senadora hanggang sa matapos ang 48 oras na ibinigay sa kanya ng korte sa pagbisita sa ina.
Samantala, labis ang pasasalamat ng pamilya de Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court sa pag-grant ng mosyon ng opisyal para makasama ang 86-anyos nitong ina.
Alas-7:40 kaninang umaga nang dumating sa kanilang bahay ang opisyal kasama ang kanyang mga kapatid habang nakabantay naman hanggang ngayon ang mga itinalagang pulis sa lugar.