Tiniyak ng Philippine Coast Guard na hindi makaapekto sa sitwasyon sa West Philippine Sea ang nalalapit na pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa lalawigan ng Palawan at ang kanyang paglilibot sakay ng Philippine Coast Guard vessel.
Magugunitang, nagkaroon sa nakaraan ng mga maritime skirmish habang iginigiit nila ang kanilang mga claim sa West Philippine Sea.
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na si Harris ay sasakay sa BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa isang pier sa Puerto Princesa City sa Nob. 22 at bibigyan ng briefing tungkol sa maritime operations ng ahensya sa Palawan, ang lalawigan ng Pilipinas na pinakamalapit sa West Philippine Sea.
Sinabi ni PCG spokesman Commodore Armand Balilo na naka-deploy na ang BRP Teresa Magbanua sa West Philippine Sea para sa mga patrol mission.
Makikipagpulong din si Harris sa mga residente at pinuno ng civil society habang nasa lungsod.
Nauna nang inihayag ng senior US administration official na nagbigay ng background briefing sa biyahe ni Harris, makasaysayan ang pagbisita niya sa Palawan dahil siya ang magiging unang high ranking US official na bumisita sa probinsya.
Ito ay pagpapakita ng pangako ng Joe Biden-Harris administration sa Pilipinas sa pagtataguyod ng rules-based maritime order sa South China Sea, maritime livelihood, at pagkontra sa illegal, unregulated, unreported (IUU) fishing.