Maaari na muling tumanggap ng mga bisita ang mga Person’s Deprived of Liberty sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City at sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City matapos payagang muli ng Bureau of Corrections.
Kung maaalala, sinuspende ng Bureau of Corrections ang visiting privileges ng mga bilanggo sa naturang piitan dahil na rin sa naitalang kaso ng Covid-19 sa loob ng kulungan.
Umabot ng mahigit dalawang linggo ang suspensyon ng visiting privileges ng mga inmate.
Sa isang pahayag sinabi ni Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na maaari ng madalaw ang mga inmate dahil deklarado ng covid free ang dalawang piitan.
Gayunpaman ay may isang personel ng Correctional Institute for Women ang nanatili sa isolation facility at papayagan lamang itong bumalik sa kanyang trabaho sa susunod na linggo at sa oras na mag negatibo ito sa test.
Binigyang linaw naman ng pamunuan ng BuCor na patuloy pa rin nilang ipapatupad ang minimum health protocol sa lahat ng mga bisita tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask tuwing dadalaw at nakapaglagay na rin sila ng mga sanitizing area.
Kinakailangan rin ng mga bibisita na mag presenta ng kanilang rapid antigen test negative result, 24 oras bago ang pagbisita.
Samantala, ang visitation schedule ay mula Miyerkules hanggang Linggo,alas siyete ng umaga hanggang alas tres ng hapon.