KORONADAL CITY – Mahigpit na ipinagbabawal sa ngayon ang pagdadala ng baril sa loob ng munisipyo ng Polomolok, South Cotabato kasunod ng nangyaring pamamaril sa executive secretary ni Mayor Bernie Palencia.
Ito ang inihayag ni Police Lt. Col. Joseph Forro, chief of police ng Polomolok Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Forro, ito ang agad na napag-usapan nila ng alkalde upang masiguro ang kaligtasan nito at ng mga empleyado ng munisipyo.
Ito ay dahil na rin sa pagbunyag ni Mayor Palencia na posibleng siya ang target ng mga armadong lalaki na bumaril sa kanyang executive secretary na si R Balili, na dating municipal councilor din ng nabanggit na bayan.
Malaki rin ang paniwala ng alkalde na pulitika ang motibo sa pamamaril at ipinaaabot umano ang mensahe sa kanya ng kanyang mga kalaban.
Dagdag pa ni Forro, kabilang sa pagbabawalan ang mga pulis at sundalo na hindi papayagan na magdala ng baril papasok sa munisipyo maliban sa mga recognized men in uniform ng alkalde.
Samantala, ipapatupad na rin ang pagbabawal sa pagsusuot ng helmet sa Poblacion area ng bayan upang makita ang mukha ng mga motorista at hindi makalusot ang mga riding-in-tandem criminals.
Isang organisadong grupo o network naman ang inihayag ni Forro na posibleng may kagagawan ng krimen.
Matatandaan na pinagbabaril ng dalawang armadong lalaki ang executive secretary ni Mayor Palencia papasok sa Municipal plaza ng nabanggit na bayan.
Una rito, 3 mga kasapi ng Civil Security Unit ng Polomolok ang pinatay noong nakaraang mga buwan kabilang na ang close-in security guard ng alkalde na isang ex-police.