Positibo si PNP Chief PDGen Ronald Dela Rosa na makakabawas sa krimen ang pagdadala ng mga pulis ng kanilang mga baril 24/7.
Kayat ipinag-utos ni PNP chief na laging dalhin ng mga pulis ang kanilang mga baril kahit na sila ay off duty at naka-sibilyan.
Ayon sa PNP chief, kapag naging standard practice na ito, magdadalawang isip ang mga kriminal sa lansangan na gumawa ng kalokohan dahil alam nilang maaring may armadong pulis na naka-sibilyan lang sa kanilang paligid.
Sinabi ni delarosa na hindi na kailangan ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence o PTCFOR, para magdala ng baril ang isang off-duty na pulis kahit sila ay nakasibilyan, basta’t meron silang dalang Mission Order at Memorandum Recipt.
Aniya, ang ipinagbabawal lang naman ng batas ay ang pag-display ng baril at pag-tutok nito kapag naka-sibilyan ang mga pulis kaya dapat ay i-tago lang nila ang kanilang dalang armas.
Nilinaw naman ni PNP chief na ibang usapan na kapag may umiiral na Comelec Gun ban kung saan tanging mga naka-unipormadong pulis at sundalo lang ang pwedeng magdala ng armas.
Aniya, sa ganitong pagkakataon, kailangan sundin ng PNP ang gun ban para sa mga naka-sibilyang pulis dahil “no one is above the law”.