Wala umanong magiging epekto sa hosting ng Pilipinas ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games kahit na nagbitiw sa puwesto si Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas.
Sinabi ni Representative-elect Alan Peter Cayetano, ang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation na hindi aatras ang Pilipinas sa nasabing hosting.
Nagpahayag din ito ng kalungkutan sa pag-resign sa puwesto ni Vargas pero hindi raw ito dapat maging dahilan para umatras na ang Pilipinas sa SEA Games hosting na magsisimula sa Nobyembre.
Nanawagan din si Cayetano sa mga sports leaders ng pagkakaisa para maging matagumpay ang hosting dahil pambihira itong mangyari.
Liban dito isang malaking karangalan din sa bansa ang nasabing hosting.
Tiniyak naman ni Cayetano na kahit sinuman ang lider na papalit ay kaniya itong susuportahan.
Magugunitang nagbitiw sa puwesto si Vargas ilang linggo matapos na sibakin nito sa puwesto ang ilang opisyal ng POC gaya nina Jose “Peping” Cojuangco, membership committee head Robert Bachman, 30th Southeast Asian Games Chef de Mission Monsour del Rosario at iba pa.
Isasagawa ang 2019 SEA Games sa iba’t ibang panig ng bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.