BUTUAN CITY – Nai-detail na ng Surigao del Norte Police Provincial Mobile Force Company ang kanilang security forces para sa gaganaping 25th International Surfing Cup sa Siargao Islands sa bayan ng General Luna, Surigao del Norte.
Ayon kay company commander P/Col. Rudy Elandag, nagsagawa na siya ng coordination meeting sa kanyang mga counterparts para sa nasabing aktibidad na bubuksan bukas ng hapon, Oktubre 5.
Kasama rito ang puwersa sa pagitan ng Task Force Siargao, Local Government Unit, Surigao del Norte Provincial Tourism, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine National Police Maritime, Bureau of Fire and Protection, at iba pang force multipliers para sa synchronized public safety and security operations.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag nitong kailangan nilang matiyak ang kaligtasan ng lahat kasama na ang mga local at foreign tourists, VIPs (very important persons) at iba pang mga stakeholders na sasasaksi sa limang araw na kompetisyon.
Umapela na lamang siya sa lahat ng mamamayan na tutulong sa pagbantay sa paligid lalo na yaong mga kaduda-dudang tao at mga bagay upang masigurong mapayapa at matiwasay ang surfing event.