KALIBO, Aklan — Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang pagbubukas ng Boracay para sa international tourists mula sa mga bansang mababa ang kaso ng coronavirus disease o COVID-19 free na.
Subalit, ayon kay Aklan 2nd District Cong. Teodorico Haresco Jr., nais umano ni Governor Florencio Miraflores na tapusin muna ang konstruksyon ng infectious disease center bago pahintulutan ang mga dayuhang turista na makapasok sa lalawigan.
Inaasahang sa unang linggo ng Agosto ay magiging operational na ang molecular testing laboratory sa Aklan upang agad na masuri kung sino ang mga maaaring infected ng virus sa Boracay.
Sa ngayon ay pawang local tourist pa lamang mula sa Western Visayas ang pinapayagan sa isla, kung saan, mahigpit ang pagpapatupad ng health at safety measures.
Nauna dito, pinangunahan ni Cong. Haresco ang pag-install ng state of the art na thermal imaging scanners na may facial recognition sa Kalibo International Airport at Caticlan Jetty Port na malaking tulong aniya sa contact tracing.