-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang pagpayag ng Boracay Inter-Agency Task Force (IATF) na buksan ang isla sa mga turista simula sa darating na Oktubre 1.

Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, matagal na nila itong napaghandaan kung saan kailangang magpa-rehistro muna ang mga dadayong turista bilang bahagi ng health and safety protocols sa gitna ng coronavirus pandemic.

Obligadong magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR (reverse transcription -polymerase chain reaction test), tatlong araw o 72 hours bago ang bakasyon ng mga turista.

Pinalawig na rin mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi ang paliligo sa baybayin upang mabigyan ng pagkakataon ang mga gustong mag-night swimming.

Sa halip na hanggang alas-11:00 ng gabi, pinag-aaralan na ma-extend ang curfew hour hanggang alas-12:00 ng hatinggabi o alas-2:00 ng madaling araw depende sa mapagkasunduan ng technical working group.

Dagdag pa ng gobernador na pinapayagan din ang mga foreign tourists kaya ang Boracay ang magiging kauna-unahang halimbawa ng leisure travel bubble sa Asya.

Gayunman, limitado lamang mula Caticlan Airport hanggang jetty port at patawid sa isla ang mga turista lalo na ang foreign tourists na sakay ng direct flight.

Target nila ang mga turistang mula sa South Korea, Taiwan at China.

Ipinagmalaki rin ni Miraflores na maliban sa pagkakaroon ng virus testing laboratory, nananatiling “COVID free” ang tanyag na isla.