-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Kasabay ng pagdiriwang ng ika-25th Charter Anniversary Celebration ng lungsod ng Kidapawan ay sinaksihan din ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang pormal na pagbubukas ngayong araw ng Eco-Park at Skating Rink sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City.

Sinimulan ang aktibidad sa isang Ribbon Cutting na pinangunahan ni City Mayor Jose Paolo Evangelista kasama sina Governor Mendoza at Board Member Joseph A. Evangelista na agad namang sinundan ng pagbabasbas sa pangunguna ni Fr. Alfredo Palomar Jr., DCK.

Ang nasabing proyekto o atraksyun ay naisakatuparan dahil sa pagsisikap ng dating alkalde ng lungsod at ngayo’y Board Member ng ikalawang distrito ng Cotabato na ipinagpatuloy naman ng kanyang anak na ngayo’y bagong alkalde katuwang ang mga konsehal ng siyudad para sa lahat ng mga Kidapaweños.

Hinangaan ni Governor Mendoza ang lahat ng mga opisyal ng lungsod ng Kidapawan sa patuloy na pagbibigay ng maayos na programa sa lahat ng mga nasasakupan nito. Hamon din nito sa lahat ng mga dumalo na pangalagaan at gamitin sa tama ang mga pasilidad at proyektong ipinapatupad ng lokal na lungsod ng Kidapawan.

Samantala, isa rin sa mga naging highlights ng aktibidad ay ang Pyro-Musical (Fireworks Display) ng nagbigay kulay sa kalangitan at ang pagtatanghal ng isa sa mga sikat na banda sa bansa ang December Avenue.