CENTRAL MINDANAO- Regulated ang magiging polisiya ng pagbubukas ng mga Internet Cafѐ sa lungsod sa panahon na ipinatutupad ang Modified General Community Quarantine sa kasalukuyan.
Kinakailangang pumasa sa inspection ng City Government Compliance team ang mga internet cafѐsbago papayagang makapag-operate muli.
Pinayagan ni City Mayor Joseph Evangelista ang pagbubukas ng mga ito upang makaagapay ang mga nagmamay-ari na apektado ng Covid19 pandemic.
Maalaalang pansamantalang isinara ang mga Internet Cafѐs dahil hindi pasok ang mga ito sa essential business establishments na kasali sa guidelines sa panahon ng Enhanced Community Quarantine kontra Covid19
Ilan lamang sa kinakailangang sundin ng mga Internet Cafѐs ay ang mga sumusunod: bawal papasukin ang mga bata para mag computer games, pagkakaroon ng business permits, 50% capacity, kinakailangang may isang metro o higit pang distansya ng mga papasok at gagamit ng computer, dapat may disinfectant solution gaya ng alcohol at hand sanitizers, operating hours na hindi lalagpas sa alas nuwebe ng gabi, at dapat nakasuot ng face mask ang mga papasok sa tindahan pati na ang mismong nagbabantay.
Bagkus, tanging research o educational purposes ang dahilan ng pagpasok o di kaya ay para sa ‘online enrollment’ ng mga bata para sa nalalapit na pasukan ang pwedeng papasukin.
Kapag nahuling lumabag sa Quarantine Protocol ang isang Internet Cafѐ ay maari itong pagmultahin,kanselahin ang Business Permit at ipapasarado ng City Government.
Hinihikayat naman ng City Government ang lahat na agad ireport sa compliance team sa 09105740540 ang mga business establishments maging ang mga pribado at pampublikong tanggapan na nag-ooperate sa lungsod na hindi sumusunod sa mga itinakdang minimum health protocols.
Papanagutin ng City Government ang mga ito ayon na rin sa mga isinasaad ng RA11332.