Nananatili lang umano na suhestyon ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng mga klase sa Agosto 23 at nakasalalay pa rin ang desisyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, maliwanag aniya na proposal lang ito ng ahensya dahil wala pang nailalabas na DepEd order patungkol dito.
Malinaw pa rin aniya sa ahensya na ang pinal na desisyon ukol sa pagbubukas ng mga paaralan ay isasangguni pa rin sa Pangulo.
Kabi-kabilang kritisismo kasi ang natanggap ng kagawaran sa Aug. 23 school opening proposal nito.
Para naman sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), dagdag na pasanin lang ito sa mga mag-aaral, magulang at mga guro dahil ikli ang dalawang buwan na pahinga para sa mga estudyante.
Sa kabila nito ay suportado pa rin ng Philippine Business for Education (PBEd) ang rekomendasyon ng kagawaran lalo na’t posibilidad pa rin ang pagpapatupad ng limited face-to-face classes sa ilang paaralan.
Nilinaw pa ni San Antonio na ang basehang ginamit ng DepEd para sa naturang suhestyon nito ay batay sa existing school calendar schedule kung saan nakasaad dito na ang pagbubukas ng bagong school year ay hindi maaaring lumagpas sa buwan ng Agosto.
Batay aniya sa 2022, ang huling Lunes ay papatak sa holiday kung kaya’t nais ng DepEd na buksan ang school week nang walang holidays.
“May batas na nagbibigay sa pangulo na gumawa ng desisyon kung kailan mainam magbukas ng klase,” wika ni San Antonio.
Magkakaroon naman ng break sa election perio sapagkat hagip na ang eleksyon sa May 2022.