Pag-aaralan pa raw ng lokal na pamahalaan ng Pasay City sa loob ng dalawang linggo kung susunod ito sa inilabas na memorandum circular ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang nasabing memorandum ay may kauganayan sa pagpayag na muling bumalik sa operasyon ang mga sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, sinabi nito na kahit gusto na niyang mabuksan pa ang ekonomiya ng lungsod upang makatulong sa mamamayan na nawalan ng trabaho at mga nagsarang negosyo ay kailangan pa rin nila itong pag-aralan ng mabuti.
Lalo na’t biglang sumirit ang naitalang kaso ng COVID-19 sa naturang lungsod at may apat ding South African variant ang naitala rito.
Magugunitang nagbaba ang DTI ng Memorandum Circular (MC) No. 21-08 na nagbibigay pahintulot sa mga sinehan na nasa GCQ areas na magbukas simula ngayong araw. Nakasaad din dito na papayagan lamang ang 25 percent capacity ng mga sinehan.
Pagbabawalan naman ang mga moviegoers na kumain at uminom sa loob ng sinehan dahil kinakailangan ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng oras.
Mayroong 20 sinehan na matatagpuan sa Pasay City.