BAGUIO CITY – Tiwala si Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na isang paraan para mabuhay muli ang turismo at ekonomiya ng bansa ang pagbubukas ng mga travel corridors o tourism bubbles.
Sa kanyang talumpati sa paglunsad ng ‘Ridge to Reef’ travel bubble program ng Baguio City at Ilocos Region, sinabi niya na magandang hakbang ang travel corridor ngayong ‘new normal’ para sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Kwalipikado aniyang magbukas ng tourism bubble ang mga lugar na pasok sa apat na kategorya — ang pagkakaroon ng mababang kaso ng COVID-19, sapat na health facilities, istriktong pagpapatupad ng mga minimum health standards at pagkakaroon ng new normal policies ng lokal na pamahalaan.
Pinapanalangin aniya na magtatagumpay ang Ridge and Reef Travel Corridor ng Baguio at Region 1 dahil ito ang magpapakita sa mga local travelers na pwedeng gawin ang maingat, responsable at sustainable na inter-regional tourism.
Magsisilbi aniya ito bilang pilot project na kung matagumpay ay ipapatupad din sa ibang bahagi ng bansa para sa pagrekober ng tourism industry.
Makakatulong pa aniya ang pagbubukas muli ng domestic tourism sa mga tourism businesses at mga trabahador sa nasabing industriya na kasama sa mga pinaka-naapektuhan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Maaalalang sinabi ni Puyat a pinag-aaralan nila ang pagbubukas ng travel bubbles sa pagitan ng Pilipinas at mga karatig bansa sa Asya lalo na at karamihan sa mga tourist hotspots ng bansa ay nananatiling COVID-free o may kakaunting kaso ng COVID-19.