BAGUIO CITY – Papapasukin na sa lungsod ng Baguio ang aabot sa 300 na mga turista mula sa ibat-ibang lalawigan ng Luzon matapos ang pagbubukas ng turismo ng lungsod sa mga turista mula Ilocos Region noong October 1.
Ayon kay Baguio Mayor Benjamin Magalong, bahagi ito ng pagpapatuloy ng plano ng lungsod na pagbukas nito sa mga turista mula sa buong Luzon, kasama na ang Metro Manila sa kabila ng report ng UP OCTA Research Team na isa ang Baguio sa may lungsod na ‘high-risk’ sa COVID-19 infections dahil sa patuloy at araw-araw na pagtaas ng kaso nito sa nasabing sakit at critical care occupancy.
Bagaman inamin ni Mayor Magalong na mayroong pagtaas ng COVID case kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya, gaya ng pagbukas ng tourism sector, ipinapasigurado niya na patuloy ang contact tracing, testing efforts at pagpapaganda ng LGU sa critical healthcare capacity ng lungsod.
Giit niya, natutunan ng LGU na i-manage at kontrolin ang mga kaso kaya hindi sila nag-panic nang makita niya ang pagtaas ng COVID case dito sa lungsod.
Ipinagmalaki pa Contact Tracing Czar na sa buong bansa ay ang Baguio ang may pinakamataas na testing capacity na nagreresulta sa pagtaas ng COVID cases.
Sa huling tala ng Baguio Visitor Information and Travel Assistance (VISITA) platform, higit 2,800 na mga indibidual ang nagrehistro para mapayagang makapasyal dito sa City of Pines.
Pinakamaraming travel requests ay mula sa National Capital Region na sinundan ng Region 3 at Region 4A, maliban pa sa tatlong travel request mula ibang bansa, partikular sa Estados Unidos.
Napag-alaman din na mula nang binuksan ang tourism bubble ng Baguio at Region 1 noong October 1, 15 pa lamang na mga turista ang nakapasok na ng Baguio mula sa 59 na mga turista mula Region 1 na nag-apply ng travel requests.
Mananatili naman ang limitasyon na 200 na bisita kada araw at kinakailangang ipakita ng mga ito sa mga border checkpoints ang kanilang QR Code.
STATISTICS on travel requests:
NCR – 269
Region 3 – 109
Region 4A – 64
Cordillera Region – 9
Region 2 – 6
Region 5 – 4
Region 7 – 3
USA – 3
Region 12 and Region 4B – 1