Suportado ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang panawagan ni Interior Sec. Eduardo Año na pagbubuhay sa pinalawig na bersyon ng “anti-subversion” law at pagba-ban sa mga organisasyong may ugnayan sa mga rebeldeng grupo.
Una nang sinabi ni Año na magiging katuparan daw ng layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan ang communist insurgency sa kanyang termino kung idedeklara bilang mga subersibong grupo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang kanilang mga “front organizations.”
Ayon kay Lorenzana, sang-ayon daw ito na matutuldukan ng pagpapanumbalik ng nasabing batas ang communist insurgency.
“If a legal front is fronting for an illegal organization, they should be illegal, di ba? Simple lang naman ‘yan eh,” wika ni Lorenzana.
Nilinaw naman ng kalihim na wala itong problema sa komunismo bilang ideolohiya, ngunit kontra naman ito sa armadong pakikibaka.
“They can make their own communist party there, na basta lang they will denounce, renounce. But when these people who believe in communism also believe in an armed struggle to overthrow a duly constituted government, masama na ‘yan, iba na ‘yan,” anang opisyal.
Unang ipinatupad ang anti-subversion law noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Carlos P. Garcia kung saan ginawang iligal ang pagsali sa communist party at sa Hukbong Magpapalaya sa Bayan.
Lumawig pa ang nabanggit na batas noong panahon naman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos dahil sa ipinagbawal na rin ang mga organisasyong may kaugnayan sa CPP.
Nabasura naman ang batas noong 1991 bilang bahagi ng usapang pangkapayapaan ni dating Pangulong Fidel Ramos sa mga komunista.
Tingin naman ng Malacañang, dadaan sa masusing pag-aaral ang naturang panukala dahil wala namang masama sa pagsali ng mga kabataan sa mga grupo upang ihayag ang kanilang hinaing laban sa gobyerno.
Gayundin ang pananaw ng Department of Justice kung saan iginiit nito na hindi raw isang krimen ang pagiging miyembro lamang ng CPP hangga’t walang nalalabag na batas.