VIGAN CITY – Nasa kamay umano ng Kongreso ang usaping pagbuhay muli death penalty kasunod ng karumal-dumal na pagpatay kay Christine Silawan ng Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin, sinabi nitong hurisdiksyon ng kongreso ang nais muling buhayin ang parusang bitay.
Ayon sa punong mahistrado, saka lamang umano aaksyon ang korte kung mayroon nang batas kaugnay sa nasabing panukala.
Nasa Abra si Chief Justice Bersamin para dumalo sa gagawing testimonial banquet sa kaniyang alma mater sa St. Joseph Seminary.
Matatandaang umugong ang balitang pagbuhay sa death penalty kasunod ng pamamaraan ng pagpatay kay Silawan na ginahasa, tinadtad ng saksak at binalatan ang mukha.
Noong 2017 ay inaprubahan ng Kamara ang panukalang revival ng death penalty.
Si Leo Echagaray ang unang napatawan ng death penalty sa bansa dahil sa panggagahasa sa kaniyang step daugther noong 1998.