Isinusulong na maibalik ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) para mabigyan ng government subsidy ang mga kompaniya ng langis sa gitna ng mataas na presyuhan ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Deputy Speaker at 1-Pacman party-list representative Mikee Romero ang pagbuhay sa naturang Oil price stabilization fund na nauna ng nilikha sa ilalim ng pamamahala noon ni ama ni Pangulong Bongbong Marcos na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr bilang urgent upang mareimburse sa mga kompaniya ng langis ang halaga ng gastos sa pagtaas ng presyo ng krudo at ng inaangkat na mga produktong petrolyo na nagresulta mula sa exchange rate adjustments o pagtaas sa presyo sa pandaigdigang merkado.
Giit pa ni Romero na kailangan ang pag-revive ng oil price stabilization fund o kaparehong buffer fund na magagamit ng pamahalaan para maiwasan ang madalas na paggalaw sa presyo ng mga produktong petroyo dahil sa pabago-bagong presyo ng krudo sa world market at ng peso-dollar exchange rate.
Dagdag pa ng Deputy Speaker na patuloy ang pabago-bago at mataas ang presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine habang patuloy na bumabangon ang mga bansa mula sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, ipinanukala ni Romero na dapat magmula ang pondo mula sa mas mataas na excise taxes na ipinataw sa diesel, gasolina, cooking gas at iba pang oil products sa ilailm ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Umaasa si Romero na ito ay ikokonsidera ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr dahil ipinatupad ito noon sa ilalim ng panunungkulan ng kaniyaang ama.